Doktor patay sa hit-and-run sa Agusan del Norte

Lorilly Charmane D. Awitan, ABS-CBN News

Posted at Feb 08 2019 12:26 PM

BUTUAN CITY – Patay ang isang doktor matapos na mabundol at takbuhan ng SUV sa Barangay Poblacion, bayan ng Santiago sa Agusan del Norte, Huwebes ng gabi.

Sa imbestigasyon ng Santiago Police, bumaba ng bus si Dr. Zuriele Arambulo at nang papatawid ng kalsada ay na hit-and-run ng isang sasakyang papuntang Butuan City.

Naisugod pa sa Cabadbaran District Hospital si Arambulo pero idineklara nang dead on arrival.

Ayon kay Dr. Jose Llacuna Jr. ng Department of Health (DOH) Caraga, si Arambulo ay isa sa walong Doctor to the Barrios na nadestino sa rehiyon. 

Ngayong Biyernes sana ang unang araw ng kaniyang duty.

Ang Doctor to the Barrios ay isang programa ng DOH kung saan nagpapadala ng mga volunteer doctor sa mga lugar kung saan may kakulangan sa health workers. 

Patuloy namang nagsasagawa ng imbestigasyon ang awtoridad para makilala at maaresto ang driver na nakabangga kay Arambulo.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.