5 magkakapamilya patay sa salpukan ng motorsiklo, dump truck sa Lanao del Norte

Joey Taguba Yecyec, ABS-CBN News

Posted at Feb 08 2019 09:36 PM

Lima ang nasawi sa banggaan ng motorsiklo at dump truck sa Lanao del Norte Huwebes ng hapon.

Sa imbestigasyon ng pulis, minamaneho ni Johnny Bermejo ang motorsiklo sakay ang kaniyang lola na si Venida, tiyahin na si Jenalyn at dalawa nitong anak nang bumangga sa truck matapos itong mag-overtake.

Ayon kay PO3 Midjhon Reillo, traffic investigator, nakita ng mga residente sa lugar na marami ang nakasakay sa harap ng driver kaya nahirapan itong magmaniobra ng motor.

Dagdag niya, mula pa sa Barangay Malingao sa bayan ng Tubod ang mga biktima at lumikas dahil umano sa takot na may mangyaring kaguluhan dulot ng ginanap na plebisito ukol sa Bangsamoro Organic Law sa Lanao del Norte.

Boluntaryong sumuko sa mga pulis ang driver ng dump truck.

Ayon sa driver, hindi na niya naiwasan ang motorsiklo dahil bigla umano itong nag-overtake at hindi na bumalik sa kaniyang lane.

Nasa kustodiya ng Tubod Municipal Police ang driver at nagkausap na ang bawat kampo upang maareglo ang kaso.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.