2 lalaki timbog sa pagtatanim ng marijuana sa bakuran

Harris Julio, ABS-CBN News

Posted at Feb 08 2019 12:13 AM

Arestado ang 2 lalaki matapos magtanim umano ng marijuana sa kanilang bakuran sa bayan ng Echague, Isabela nitong Huwebes ng umaga.

Ayon kay Chief Insp. Andy Orilla, hepe ng Echague Police, nakatanggap sila ng impormasyon tungkol sa ilang pananim na marijuana kaya nagsagawa sila ang search operation.

Nagpositibo ang operasyon kung saan naaktuhan umano ng mga pulis sina Jerry Gerardo, 53, at John Pasoquin, 21, habang tinitingnan ang puno ng marijuana.

Hinanapan din sila ng dokumento o patunay sa legalidad ng mga pananim. Dahil sa kabiguang magpakita nito ay agad inaresto ang dalawa.

Isa sa kanila ay dati nang sumuko sa programang Oplan Tokhang ng pamahalaan.

Binunot din ng awtoridad ang tatlong puno ng marijuana na halos lahat ay magugulang na at ilang metro na rin ang taas.

Mahaharap ang dalawang suspek sa reklamong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.