VIRAL: TNVS driver na hindi nagla-lunch break, pinapurihan

Aleta Nieva Nishimori, ABS-CBN News

Posted at Feb 08 2018 02:50 PM | Updated as of Feb 08 2018 03:54 PM

Watch more in iWantv or TFC.tv

Puno ng papuri ang isang rider sa nasakyang niyang transport network vehicle service (TNVS) na angat ang malasakit sa kanyang mga pasahero.

Nag-viral sa social media ang kuwento ni Teofisto Torres, isang Uber driver, na nakilala sa sakripisyo n'ya para makapaghatid ng pasahero.

Kuwento ni Kier Hairrie Roman, nag-book siya sa Uber para sunduin noong Enero 28, 2018 matapos na dumalo sa kanyang Church service. Pero nahuli ito sa pagsundo dahil na rin sa trapiko sa kahabaan ng Marcos Highway.

"Pagsakay ko sa kanya, super sorry siya. Nagpapasensiya siya sa akin dahil na late siya ng 12 minutes," sabi ni Roman.

Sa Facebook post n'ya na nag-viral, ibinahagi ni Roman kung ano ang naging dahilan kung bakit siya napahanga ni Torres.

 

"Pagsakay ko, may naaamoy na akong parang masarap doon sa sasakyan. Nu'ng traffic sa Marcos Highway, bigla siyang may dinampot na plastic na may kasamang ulam tapos subo n'ya ng tatlong beses, dalawang beses tapos nguya na lang," kuwento nito sa programang "Lingkod Kapamilya sa DZMM" nitong Huwebes.

Nang usisain kung wala ba silang break time, ipinaliwanag sa kanya na wala na umano siyang panahon pa para kumain dahil naghahabol din siya ng incentives.

"Bigla kong naisip na ganun pala ang sinasakripisyo nila, ng mga driver para sa mga rider na maisakay nila, maihatid nila ng ligtas sa mga pupuntahan nila," sabi ni Roman.

Dito n'ya naunawaan ang kalagayan ng mga driver na madalas aniyang nababasa sa Facebook na inirereklamo, minumura o nababastos ng mga pasahero dahil minsan male-late ang driver nila.

Para naman kay Torres, itinuturing nitong serbisyo na rin sa publiko ang pagkain n'ya sa loob ng sasakyan, lalo't naghihintay sila na may sumundo sa kanila para ihatid sila sa kanilang pupuntahang lugar.

"Sa panahong marami pong requests, hindi lang kasi trabaho ang iniisip ko... 'yung makapag-drive lang, magkapera. Ang concept ko, magandang trabaho ito dahil magkakapera ka at the same time serbisyo publiko," paliwanag ni Torres.

Nilinaw nitong hindi naman laging sa sasakyan siya kumakain. Nagagawa lamang niya ito tuwing sunod-sunod ang bookings.

"Kasi 'pag nag break ako, mag-offline ako syempre cancelled sila. Kawawa naman. Naghintay tapos ka-cancel mo pa," aniya.

Halos 15-oras nagmamaneho kada araw si Torres.

"Matagal din akong walang trabaho kaya nagbabawi ako. Maraming ka rin babayaran," sabi niya.

Binigyan papuri din si Torres ng kanyang operator dahil sa pagiging matapat nito sa pagsasauli ng mga naiwang gamit ng mga pasahero sa kanilang sasakyan tulad ng cellphones at pera.

Hiling naman ni Roman kay Torres na huwag magbago.
 
"Sana ganun siya lagi sa lahat ng pasahero n'ya," sabi ni Roman.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.