Principal, nawalan ng P500,000 sa online 'love scam'

ABS-CBN News

Posted at Feb 08 2018 11:57 PM | Updated as of Sep 02 2018 02:41 AM

Watch more in iWant or TFC.tv

Arestado ang isang Nigerian na nakakulimbat ng halos P500,000 matapos magpanggap na babae at "makipagrelasyon" online sa isang Pinoy. 

Naaresto ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) sa isang entrapment operation kamakailan si Kelechi Christian Ukpabi. 

Ito ay matapos makatanggap ng sumbong ng CIDG mula kay alyas "Roger," isang high school principal sa Mindanao.

Nagpanggap kasi si Ukpabi na babaeng miyembro ng United States Army na nakadestino sa Afghanistan at naging "online girlfriend" o karelasyon ni Roger.

Sinabihan si Roger ng "karelasyon" na padadalhan siya ng dolyar na katumbas ay milyon-milyong piso para sa pagpapagawa ng bahay-ampunan sa Pilipinas.

Pero bago makuha ang pera, kailangan muna umanong ayusin ni Roger ang dokumento at bayaran ang clearance para makapasok ang pera sa Pilipinas.

Isa namang nagpakilalang "Frank Harry" ang nagsabi kay Roger na naipit sa Bureau of Customs (BOC) ang ipinadala ng kaniyang karelasyon at kailangan niya itong bayaran para makuha.

Halos P500,000 ang binayaran ni Roger sa iba't ibang tao na nagpanggap na tauhan ng BOC at Anti-Money Laundering Council.

Nagduda si Roger nang hingan siya ng pera pambili ng kemikal para sa "black dollar."

Sa ilalim ng "black dollar" o "black money," pinapaniwala ng mga salarin ang kanilang biktima na ang mga ibinibigay na selyadong papel ay pera na kinulayan para hindi matunton ng mga awtoridad.

Hinihimok ang mga biktima na magbayad at bumili ng mga kemikal para alisin ang dye o kulay.

Ayon sa mga awtoridad, si Ukpabi at ang kaniyang mga kasamahan ang mga kumausap sa biktima para maging matagumpay ang modus na pinagsamang "love scam" at "black dollar scam."

Kasong estafa ang isinampa laban kay Ukpabi.

-- Ulat ni Maan Macapagal, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.