Payong, ginamit sa pandurukot

ABS-CBN News

Posted at Feb 08 2018 04:22 PM | Updated as of Aug 31 2018 05:45 PM

Pinag-iingat ng mga kapulisan ang publiko laban sa bagong istilo ng pandurukot na binansagang "payong modus." 

Karaniwang isinasagawa ang modus ng pangkat ng mga kawatan na magkukumpol sa isang walang kamalay-malay na biktima. 

Gagamit ang mga ito ng mga payong upang maitago ang mismong kilos ng pandurukot.

Ayon sa Philippine National Police (PNP), nagiging malikhain na ngayon ang mga kawatan na nasa likod ng iba't ibang modus. 

"Kung nag-e-evolve 'yong modus ng mga ganitong klaseng tao ... [dapat] mag-evolve din 'yong ating awareness sa ganiyang mga sitwasyon at alertness para 'di tayo mabiktima," sabi ni Chief Inspector Bryan Gregorio, criminologist mula sa PNP Public Information Office.

Watch more in iWant or iWantTFC

Nakuhanan ng CCTV ang isang insidente ng payong modus noong Nobyembre 2017 sa Aguinaldo Highway, Barangay Salinas sa Bacoor, Cavite.

Kabilang sa kumpol ng mga taong nakatayo at nag-aabang sa gilid ng kalsada ang apat na babaeng kawatan.

Hindi madaling matukoy ang mga kawatan dahil madali silang mapagkamalang ordinaryong pedestrian. 

Hindi rin halatang magkakakilala sila dahil hindi nila kinikibo ang isa't isa.

Nang matukoy na ng mga kawatan ang biktimang estudyante ay agad nila itong dinikitan.

Binuksan ng isa sa kanila ang bag ng biktima habang ang tatlo ay pumalibot sa mismong nandurukot at binuksan ang kanilang mga payong.

"Gumamit sila ng concealment," ani Gregorio.

Payo ni Gregorio ay dapat magkakaroon ng "situational awareness" o pagiging mapagmasid sa paligid.

"May mga sumusunod sa 'yong di mo kakilala. 'Di naman umuulan [pero] nakapayong, 'di naman araw [pero] nakapayong," ani Gregorio.

Para hindi madukutan sa mga pampublikong lugar, maiging ilagay ang bag o mga kagamitan sa harap ng katawan.

Kung may mga kahina-hinalang taong sumusunod, tumigil muna sa isang mataong lugar o humingi ng tulong sa iba.

-- Ulat ni Jeff Canoy, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.