Pag-repack ng relief goods, itinigil ng DSWD Visayas dahil kulang ang NFA rice

Aiza Layague at Annie Perez, ABS-CBN News

Posted at Feb 08 2018 08:45 PM

Pansamantalang inihinto ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) Region 7 ang paghahanda ng mga food packs para sa kalamidad dahil sa kakulangan ng suplay ng bigas mula sa National Food Authority (NFA).

Ayun kay Visayas Disaster Response Center (VDRC) Administrative Officer V Roger Dale Armecin, hindi pa dumarating ang 4,000 sako ng bigas galing NFA kaya hindi pa nila magawang mag-repack kahit na dumating na ang iba pang items, gaya ng canned goods at kape.

Nag-aalala ngayon ang DSWD kung paano sila makapagpapadala ng food packs sa mga residenteng maaapektuhan sa darating na mga kalamidad.

Isa sa kanilang pinaghahandaanan ay kung sakaling kinakailangan na nilang maghatid ng food packs sa Albay ngayong patuloy sa pag-aalburoto ang Bulkang Mayon.

Dagdag ni Armecin, 50,000 food packs ang kinakailangan sa stockpile sa response center, ngunit aabot nalang sa 14,000 ang naka-imbak. 

Ayon naman sa NFA Region 7, sapat ang suplay nila ng bigas sa kanilang mga warehouse.

Mayroon pa umanong mahigit 2 milyong sako ng bigas sa iba't ibang warehouse sa rehiyon.

Ayon kay NFA Region 7 Director Procopio Trabajo II, sapat ang suplay na ito sa susunod na 76 araw.

Kasalukuyan umano nilang nililimitahan ang distribusyon ng bigas sa mga retailer para magkaroon ng sapat na suplay sakaling magkaroon ng mga kalamidad at sakuna.

May ilan nang bahagi ng bansa ang nag-ulat ng kakulangan ng NFA rice, na mabibili ng mas mura sa mga palengke. 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.