'No. 3 most wanted' sa Cotabato City, napatay

ABS-CBN News

Posted at Feb 08 2018 01:53 AM | Updated as of Aug 30 2018 12:12 PM

Napatay ang itinuturing na "no. 3 most wanted" sa Cotabato City matapos umanong makipagbarilan sa mga pulis ng naturang siyudad Miyerkoles ng gabi.

Kinilala ang suspek na si Taingan Waris, na may warrant of arrest para sa kasong murder at double frustrated murder.

Ayon sa PNP Criminal Investigation and Detection Group-Autonomous Region in Muslim Mindanao, nauna umanong nagpaputok ng baril si Waris sa mga operatiba nang i-serve ang arrest warrant pasado alas-6 ng gabi sa Purok Buaya-Buaya, Barangay Kalanganan 2.

Napilitan ang mga operatiba na gumanti at natamaan ng bala ang suspek sa kanyang katawan na dahilan ng agaran nitong pagkamatay.

Dagdag ng CIDG-ARMM, si Waris umano ay lider ng isang grupo na sangkot sa extortion at gun-for-hire. - ulat ni Arianne Apatan, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.