NFA, mag-aangkat na ng bigas; kasalukuyang suplay, limitado ang bentahan

ABS-CBN News

Posted at Feb 08 2018 09:11 PM | Updated as of Sep 01 2018 05:32 PM

Watch more in iWantv or TFC.tv

Inaprubahan ng Office of the President ang hiling ng National Food Authority (NFA) na makapag-angkat ng 250,000 metriko toneladang bigas bilang solusyon sa umano ay paubos na stock ng NFA rice sa bansa.

Pero ayon kay NFA Administrator Jason Aquino, aabutin ng 45 araw ang pag-angkat nito.

Kaya may 10 araw umanong mawawalan ng NFA rice ang bansa dahil sa loob ng 35 araw ay mauubos na ang natitirang 1.2 milyon bag ng bigas na na-stock ng NFA.

Sa panayam naman ng programang "Umagang Kay Ganda," sinabi ni Cabinet Secretary Leoncio Evasco Jr. na may parating pang karagdagang 325,000 metriko toneladang bigas bukod sa bigas na inaprubahang iangkat.

"By the end of this month, matapos na 'yong delivery ng 325,000 metric tons ... It's now a matter of distribution to the different NFA regional bodegas," pahayag ni Evasco.

Pero sabi ng tagapagsalita ng NFA ay hindi pa nila nakokompirma ang tinutukoy ni Evasco.

Hirit naman ni Vic Dimagiba, pangulo ng grupong Laban Konsumer, baka panahon na para baguhin ang pamamalakad ng NFA. 

"When I was in NFA, we see to it that our inventory is always of 15 days, so bakit bumaba na siya ng two days?" ani Dimagiba.

Ayon naman kay RJ Javellana, pangulo ng United Filipino Consumers and Commuters, hindi dapat itinuturing na mababa ang kalidad ng NFA rice.

Dagdag pa ng mga consumer groups ay dapat laging tapat ang pamahalaan sa kanilang pagbibigay ng serbisyo, lalo na kung bigas ang paksa.

Watch more in iWantv or TFC.tv

Samantala, umangal naman ang ilang mamimili sa mga lalawigan dahil nililimitahan na umano ang pagbebenta ng NFA rice.

Sa Iloilo City, sarado ang halos lahat ng accredited NFA retailers sa mga palengke. 

Aminado ang mga rice retailer na nagmahal ang bigas dahil nagtaas din umano ang presyo ng mga kinukuhanan nila ng suplay.

Kinompirma ng regional office ng NFA sa Western Visayas na kakaunti ang nakaimbak sa kanilang bigas.

"Right now, dito sa atin sa Region 6, sa Iloilo, our total stock is even less than one month consumption for the whole region," ani Angel Imperial, direktor ng NFA Region 6.

Umaasa ang NFA Region 6 na darating ang inangkat nilang bigas para maging sapat ang suplay.

Pumalag din ang mga konsumer na bumibili ng NFA rice sa Davao City dahil dalawang kilo lang ang ibinebenta sa kanila.

Sabi ng mamimiling si Regina Vestudio ay huwag sanang limitahan sa mabibiling kilo ng NFA rice bawat araw dahil dito na lang sila nakamemenos ng gastos sa pagkain.

Sa Isabela, nagpatupad naman ang NFA ng iskedyul sa pagsusuplay ng NFA rice sa mga bigasan.

Nilimitan lang sa tatlo hanggang limang kilong NFA rice ang ibinibigay sa mga mamimili.

Paubos naman ang buffer stock ng NFA rice sa Pangasinan.

Ayon sa NFA sa rehiyon, sapat lang para sa dalawang araw ang natitira nilang stock ng bigas kung sabay-sabay bibili ang mga konsumer.

Minabuti tuloy ng mga retailer na limitahan ang ibenebentang NFA rice sa bawat mamimili.

Sa Cagayan De Oro City, nagkakaubusan naman ng NFA rice sa Carmen Market.

Ayon sa ilang tindera, mas mabilis ngayon ang bentahan ng NFA rice kompara noong mga nakaraang buwan.

Ang 40 sakong bigas ng NFA ngayon ay agad nauubos sa loob lang ng isang linggo kahit nililimitahan ng mga manininda ang pagbebenta sa limang kilo kada konsumer.

Ayon kay Fernando Nuñez, direktor ng NFA Region 10, may sapat pang suplay ng bigas para sa buong rehiyon pero tinatayang hanggang Abril na lang ito.

-- Ulat nina Apples Jalandoni at Israel Malasa, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.