'Mga ekonomista, kababaihan, dapat isama sa pagtalakay ng Konstitusyon'

ABS-CBN News

Posted at Feb 08 2018 10:58 PM | Updated as of Sep 01 2018 11:21 AM

Watch more in iWantv or TFC.tv

Nagpulong sa unang pagkakataon nitong Huwebes ang mga miyembro ng consultative committee (con-com) na inatasan ni Pangulong Rodrigo Duterte na bumusisi sa Konstitusyon at magbigay ng rekomendasyon. 

Ayon sa chairman nitong si dating Chief Justice Reynato Puno, "getting-to-know meeting" pa lang ito.

Target ng consultative committee na isumite sa pangulo ang kanilang panukalang pagbabago sa Konstitusyon sa Hulyo 19, ilang araw bago ang State of the Nation Address (SONA).

"Members of the committee are of no illusion that we will be able to satisfy and meet all the exceptions. We will do our best," ani Edmund Tayao, miyembro ng Duterte con-com.

Aminado ang grupo na "recommendatory" lang sila at nasa Kongreso pa rin kung papansinin ang anumang panukala nila. Pero apela ni Puno, sana'y hintayin ito ng mga mambabatas.

Ganoon din ang opinyon ni dating Senador Aquilino "Nene" Pimentel Jr., na parte ng komite. 

"Kung merong consultative [committee], ano'ng silbi nu'n pag hindi nila hintayin ang aming output?" ani Pimentel.

Sa Pebrero 13 ang oath-taking ng 19 na miyembro ng komite.

Iminungkahi na ni Puno sa Office of the President na pangalanan pa ang anim na miyembrong kukumpleto sa komite.

Sana aniya, kumuha ng karagdagang eksperto sa sektor ng kababaihan, ekonomiya, ugnayang panlabas, at maski sa militar.

"I have requested from the Office of the President that, in filling up the remaining six slots, due consideration should be given to more women members, members coming from the economists, fiscal experts," ani Puno.

Sa Pebrero 19 pormal nang magsisimula ang mga meeting ng grupo, na gagawin mula Lunes hanggang Biyernes sa Philippine International Convention Center.

Nakatakda ang aktuwal na pagsusulat ng panukala sa Konstitusyon mula Pebrero 20 hanggang Abril 20, pagkatapos ay idadaan ito sa mga public consultation.

Pero sa huli, nakasalalay pa rin sa Kongreso kung tunay na bibigyang pansin ang trabahong gagawin ng komite.

--Ulat ni Christian Esguerra, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.