Mga akyat-bahay, 'suki' na sa subdivision sa Kawit

ABS-CBN News

Posted at Feb 08 2018 09:48 PM

Watch more in iWantv or TFC.tv

Inirereklamo ng mga residente ang nakawan sa isang subdivision sa Kawit, Cavite kung saan hindi bababa sa 20 bahay na ang napasok ng akyat-bahay. 

Nakuhanan pa sa CCTV ang pagpasok ng magnanakaw sa bahay ni Kevin Barredo noong madaling araw ng Enero 24. 
    
Sa likod dumaan ang lalaki na may face mask at makikitang pumasok sa pintuan sa gilid. Inihanda pa niya ang isang pinto na magiging escape route niya. 
    
Ayon kay Barredo, may nagising na miyembro ng pamilya kaya naudlot ang pagnanakaw.

"Nakapasok na siya at nagtimpla pa ng gatas sa loob," ani Barredo.
    
Nito lamang Miyerkoles ng alas-2 ng madaling araw, pinasok ng magnanakaw ang bahay ni Marlon Decena matapos sirain ang grills. 
    
Ninakaw ang laptop, relo, pati barya. Kinuha rin ang pagkain sa kanilang refrigerator at nagawa pang kumain sa bakuran.

Makalipas lang ang ilang minuto, pinasok din ang bahay ng retired US Navy na si Reynaldo Jacinto na nasa tapat lang ng bahay ni Decena. Sinira ang pintuan sa gilid at binasag ang salamin.

Nakatakas ang mga salarin at walang nakuha sa bahay ni Jacinto matapos itong magpaputok ng baril bilang warning shot.

Walang aksiyon 

Tatlong taon na umanong nangyayari ang nakawan sa nasabing subdivision.

Ayon sa mga homeowners, hindi bababa sa 20 bahay ang pinasok sa loob ng subdivision at may ilang tahanan na hindi lang isang beses nilooban ng mga kawatan.
    
Si Dr. Harley Delos Reyes, siyam na taon nang nakatira sa subdivision at limang beses nang nanakawan.
    
Tinangay ng mga magnanakaw ang mga alahas nilang mag-asawa, mga mamahaling bag, at gadgets. 
    
Isinumbong na umano ng mga homeowner ang mga kaso ng nakawan sa pamunuan ng subdivision pero walang aksiyon sa reklamo. 

Sinubukan ng ABS-CBN News kuhanan ng panig ang administrasyon ng subdivision pero wala umanong puwedeng magsalita tungkol sa isyu.
    
Ayon naman sa Kawit police, iniimbestigahan na nila ang mga reklamo at iniimbitahan ang iba pang biktima.

--Ulat ni Jeck Batallones, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.