Mag-ama, patay sa sunog sa Makati

Arra Perez, ABS-CBN News

Posted at Feb 08 2018 02:18 AM | Updated as of Aug 09 2019 05:18 PM

Patay ang isang mag-ama matapos silang ma-trap nang masunog ang kanilang bahay sa Barangay Guadalupe Nuevo, Makati City Miyerkoles ng gabi.

Kinilala ang mga biktima na sina Arnel Lambino, nasa 50-anyos, at anak nitong si Aries, 23-anyos.

Watch more in iWant or TFC.tv

Ayon kay Makati Cty Fire Marshal Supt. Roy Quisto, nagsimula ang sunog sa bahay ng mga Lambino.

Kuwento ng residenteng si Xenylit Camarce, walang supply ng kuryente sa bahay ng mga biktima kaya't gumagamit lang sila ng kandila.

Ayon naman kay Marlon Abando, narinig pa niya ang nakatatandang Lambino na humihingi ng tulong.

Sinubukan umano ng biktima na lumabas sa bintana ng bahay ngunit may grills ito.

Paalala naman ni Quisto sa publiko na siguruhing may access points kung maglalagay ng grills sa bahay para makalabas sakaling may mga sakuna.

Natanggap ng Bureau of Fire Protection ang alarma sa sunog alas-11:48 ng gabi sa isang residential area sa La Banda St. corner San Jose St.

Itinaas ito sa ikatlong alarma alas-12:22 Huwebes ng madaling araw at idineklarang fire out ala-1:36 a.m.

Nasa 5 bahay ang tinupok ng apoy at tinatayang P100,000 ang halaga ng pinsala sa sunog. - may ulat ni Ernie Manio, ABS-CBN News