Ilang magulang, umalma sa pagsagip sa kanilang mga anak

Jervis Manahan, ABS-CBN News

Posted at Feb 08 2018 02:26 AM | Updated as of Aug 09 2019 05:58 PM

Nagkatensyon ang ilang magulang at Manila Department of Social Welfare nang sagipin ang ilang street children sa Maynila Miyerkoles ng gabi.

Watch more in iWant or TFC.tv

Ayon sa mga magulang, nalabag daw ang karapatan ng mga bata sa pagdampot nito.

Dagdag nila, lumabas lang saglit sa mga bahay nila ang mga bata.

Higit-kumulang 20 na street children ang nasagip ng Manila DSW pasado alas-10 ng gabi.

Kasama sa mga inikutan na lugar ng mga social workers ang Quiapo, Sampaloc, Santa Mesa, at Santa Ana.

Dinala ang mga bata sa Manila Reception and Action Center (RAC).

Giit ni Lindsay Javier ng Manila DSW, walang nalabag na karapatan dahil social workers ang kumuha sa mga bata.

Mismong mga barangay officials ang nag-request sa Manila DSW na sagipin ang mga bata dahil nagdudulot sila ng gulo, gaya ng mga rambol.

May ilang kabataan na sinubukan pang tumakas pero nahabol din sila.

Nakuha rin ang ilang sanggol na natutulog sa kalsada. Isinama ang magulang nito sa RAC.

Papakainin at papaliguan ang mga bata sa RAC bago dadalhin sa Boystown Center sa Marikina.

Kailangan magpasa ng dokumento ang mga magulang, gaya ng school certificate at birth certificate, para mabawi ang mga anak.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.