Closed van na may kargang mantika tumagilid sa NLEX; 2 sugatan

ABS-CBN News

Posted at Feb 08 2018 08:36 AM

 

A post shared by Jekki Pascual (@newspatrol) on

MAYNILA - Sugatan ang drayber at pahinante ng closed van na tumagilid sa NLEX sa may Meycauayan Exit, Huwebes ng umaga.

Ayon sa pahinanteng si Jonathan Espinosa, galing sila ng Malabon at magdadala sana ng suplay ng mantika sa Bustos, Bulacan. 

Pero sa NLEX pa lang, sumabog na ang kanilang gulong at saka umekis-ekis sa highway ang closed van. 

"Hindi na namin alam nung drayber kung saan 'to patungo kasi kusa na siyang nag-aano sa ano.... sa highway. Ang nangyari tumumba kami," kuwento ni Espinosa. 

Tumapon sa kalsada ang mantika at dahil nakabalagbag sa highway ang closed van, nagdulot ito ng pagsisikip ng trapiko. Nililinis na ng mga awtoridad ang lugar. 

Hindi naman gaanong malala ang sugat na inabot ni Espinosa at ng drayber. Nagulat aniya sila na sumabog ang kanilang gulong na umano'y bagong bili naman. 

"May mekaniko ho kami sa 'min. saka araw-araw tsine-check namin 'yung gulong. Saka bago ho 'yung gulong," ani Espinosa. 

--ulat ni Jekki Pascual, ABS-CBN News