Arestado ang isang Koreano at kasintahan nitong Filipina matapos tanggapin ang isang package mula sa France na may lamang shabu.
Ayon kay Gerald Javier ang Task Group Commander ng Philippine Drug Enforcement Agency-Ninoy Aquino International Airport Inter-Agency Drug Interdiction Task Group, Enero 30 nang dumating sa NAIA ang package.
Sa isinagawang random inspection, natuklasan na may laman itong shabu.
"Nakuha natin yung package through random x-ray inspection natin dito sa Ninoy Aquino International Airport. We conducted regularly and nakita nga namin, binuksan siya ng Bureau of Customs examiner and yun nakita yung crystalline substance and subsequently pinacheck natin siya sa PDEA laboratory and after which we secure the approval, authority to conduct controlled delivery para dito," ani Javier.
Naaresto ang mga suspek sa condominium nito sa Makati pasado alas singko Lunes ng hapon.
Edad 38 anyos ang Korean habang nasa 25 anyos naman ang kasintahan nitong Pinay.
“Inamin nila na sa kanila ang package and ni received nila ito properly with the signature of the consignee,” ayon kay Javier.
Pero itinanggi ng mga ito na alam nilang droga ang laman ng package.
Tumanggi ring magbigay ng pahayag ang mga suspek.
Na-identify na ng PDEA ang nagpadala ng package at nakikipa-ugnayan na sa counterpart nito sa France para sa pagkakakilanlan nito.
Nagkakahalaga ng P1.7 million ang shabu na may timbang na 255 gramo.
Itinago ito sa loob ng isang antigong telepono.
“It was concealed sa isang antique na phone, pinasok siya sa loob tapos yung loob niya may mga cords and parang baterya,” ani Javier.
Mahaharap sa kasong paglabag sa Section 5 o Importation of Illegal Drugs ng RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 ang mga suspect.
Ngayong taon, ayon sa PDEA/ NAIADITG, may tatlo na silang nakumpiskang droga mula sa controlled delivery ng NAIA.
Una noong Enero 11 kung saan nasa 13 kilong shabu ang ipinadala sa isang Nigerian national na naninirahan sa Las Piñas.
Noong January 13 naman, nakakumpiska rin ang PDEA/ NAIADITG ng 200 gramo ng shabu mula South Africa na tinanggap ng isang Filipino sa Dasmariñas, Cavite.
Nakasuhan na ang mga ito, ayon sa PDEA.
Siniguro naman ng PDEA na mas papaigtingin nila ang paginspeksyon sa mga package na pumapasok sa bansa.
Bisitahin ang
Patrol.PH para sa iba pang mga balita.