PatrolPH

2 batang lalaki, nalunod sa San Mateo River

Jeffrey Hernaez, ABS-CBN News

Posted at Feb 07 2023 09:55 PM

Patay ang dalawang batang lalaki matapos malunod sa San Mateo River sa boundary ng Quezon City at San Mateo, Rizal. 

Pasado alas-12 ng tanghali nang makatanggap ng tawag ang mga awtoridad na nalulunod ang mga biktima sa maputik na bahagi ng ilog, ayon kay Eddie Clave, barangay police security officer ng Barangay Bagong Silangan.

Galing umano sa pamamasyal ang mga biktimang may edad 13 at 15, at napagpasyahang maligo sa San Mateo River. 

"Matagal po ang recovery kasi [maputik] siya, tapos madilim 'yung ilalim, 'yung tubig hindi malinaw. May current din siyang kaunti. Ang sabi ng mga residente sa lugar... unang nalunod 'yung 13 anyos [at sinubukan siyang] i-rescue ng 15 anyos... siguro sa pagkakapit ng bata, dalawa na silang lumubog," aniya. 

Unang narekober ng mga tauhan ng Bureau of Fire Protection - Special Rescue Unit ang mas batang biktima bandang ala-1:19 ng hapon habang narekober naman ang 15-anyos na biktima ng alas-2:06 ng hapon. 

Dinala pa sa Ynares Hospital ang dalawang biktima kung saan opisyal nang idineklarang nasawi ang mga ito dahil sa pagkalunod. 

Delikado umano bilang paliguan ang naturang bahagi ng ilog dahil bukod sa maputik ito, iba-iba rin ang lalim nito. 

"Putik ang ilalim, then ang level ng tubig, hindi pantay... kaya maaari kang nakapatong sa mababaw, humiwalay ka, bigla kang lulubog... Mahirap na iangat ang paa natin kapag sa putik na naipit," ani Clave.

Dati nang ipinagbawal ni Barangay Bagong Silangan Chairman Willy Cara ang pagligo ng mga bata sa ilog. 

"Dahil maraming kinukuha diyan, nawawala, namamatay na. Mayroon kami bantay diyan na 'di kami nagpapaligo... kaya lang may mga pasaway pa rin. Kanina nag-instruct na ako na higpitan ang mga bata at huwag na papuntahin doon," aniya.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.