PatrolPH

12 talampakang sawa, namataan sa Angeles

ABS-CBN News

Posted at Feb 07 2023 01:19 PM | Updated as of Feb 07 2023 02:07 PM

Nabulabog ang mga motorista sa Angeles City nang mamataan ang isang 12 talampakang sawa sa isang lansangan. 

Ayon sa isa sa mga nakasaksi na si Genevie Chua Dela Cruz, matapang na hinuli ng isang traffic enforcer sa Pandan-Magalang road sa Barangay Pandan ang sawa. 

Ayon kay Dela Cruz, hinahanap ng enforcer ang isang sawa na nasa ilalim ng sasakyan. Ang uploader umano ang unang nakakita sa sawa sa daan at kaagad na inabisuhan ang mga tricycle drivers sa lugar. 

"Nasagasaan po ng kotse, tapos nung pinaabante ko po yung kotse, dun na po gumapang yung sawa papunta po sa ilalim ng kotseng nakapark, e iniiwasan po namin 'yun na pag nakapunta po sa ilalim ng kotse, mahihirapan na po kaming alisin yun kaya pilit ko pong hinihila pero actually po nakakapit na po yung ulo sa may welya po ata yun ng kotse kaya nahirapan po akong hilahin," ayon sa traffic enforcer na si Ursus Cayanong. 

Ayon sa City Veterinary office, isang reticulated python ang nakuhang sawa. Posible umanong nakawalang alaga ito o mula sa imburnal.

"Ahas po na hindi naman poisonous. It can still inflict you pain kung nakagat po kayo. Usually po nagta-thrive po sila sa mga lugar na merong karamihan may mga daga-daga, kahit sa mga sewer siguro. 'Yung iba kinoconsider po nilang pet," ayon sa City Vet na si Dr. Christian Arcilla. 

Kaagad naturn-over ang nahuling sawa sa mga rumespondeng tauhan ng Angeles City Environment and Natural Resources Office subalit namatay din ang hayop habang ginagamot.

- ulat ni Gracie Rutao

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.