Paaralan sa Batangas na naapektuhan ng Taal eruption hinatiran ng tulong

ABS-CBN News

Posted at Feb 07 2020 05:00 PM | Updated as of Feb 09 2020 07:12 PM

Watch more in iWantTFC

MAYNILA — Mag-iisang buwan matapos manahimik ang Bulkang Taal, maraming klase na ang nagbalik sa normal sa Batangas matapos itong gamitin bilang evacuation centers. 

Kaya naman isang paaralan sa Batangas ang hinatiran ng serbisyo ng ABS-CBN Emergency Management Unit, katulong ang Philippine Army, mga magulang, guro at estudyante.

Sanib-puwersa ang lahat sa paglilinis at pagkuskos sa mga naabong paligid ng Ambulong Elementary School sa Tanauan, Batangas.

Ang grade 5 pupil na si Angel Abra, ilang araw nang volunteer at nagwawalis ng mga tuyong dahon at abo.

Excited si Abra dahil sa wakas, balik-eskuwela na sila sa darating na linggo. 

"Pagpasok ko po kukumustahin ko po ang mga kaibigan ko... Tumutulong po ako para maka-ready na po sa pasukan," ani Abra. 

Nagpadala rin ang isa sa mga alumni ng paaralan ng isang truck para hakutin ang mga abo.

Mahigit sa 800 estudyante ang halos isang buwan nang hindi nakakapasok sa Ambulong Elementary School, pero inaasahang kalahating porsiyento lang ang makakapasok sa susunod na linggo.

Gayunman, tiniyak ng pamunuan ng paaralan na handa sila sa pagdating ng mga estudyante.

Bukod sa Ambulong, patuloy din ang pakikiisa ng ABS-CBN sa paglilinis sa Agoncillo Central School. 

—Ulat ni Bernadette Sembrano, ABS-CBN News
 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.