P300,000 halaga ng shabu, nasabat sa Tuguegarao

Harris Julio, ABS-CBN News

Posted at Feb 07 2020 01:12 AM

CAGAYAN—Humigit kumulang 50 gramo o P300,000 halaga ng shabu ang nakumpiska mula sa isang lalaki na target ng buy-bust operation ng awtoridad sa Tuguegarao nitong Huwebes ng hapon.

Nangyari ang operasyon ng magkasanib pwersa ang kapulisan at operatiba ng Philippine Drug Enforcement Agency Region 2 sa isang silid ng hotel kung saan pansamantalang nanunuluyan si Carlos Santos, tubong-Cabanatuan City sa Nueva Ecija.

Ayon kay Police Col. Arnel Quilang, director ng Cagayan Police Provincial Office, nalaman nila ang ilegal na gawain ni Santos matapos na ituro siya bilang pinagkukunan ng isang lalaki na nahuli rin sa pagtutulak nitong Miyerkoles.

Nakasamsam ang awtoridad ng mga drug paraphernalia na palatandaang may nagaganap na paggamit ng ilegal na droga sa inuupahang silid ni Santos.

Sinampahan na ang suspek ng reklamong paglabag sa sa Comprehensive Dangerous Drugs Act.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.