P2.5-M halaga ng pekeng gamot nasabat sa Tondo; 3 tiklo

ABS-CBN News

Posted at Feb 07 2020 07:22 PM

MAYNILA—Arestado ang 3 lalaki matapos makuhanan ng P2.5 milyon halaga ng pekeng gamot sa Tondo nitong Biyernes.

Nakuha sa mga suspek ang mga pekeng gamot na may mga generic na pangalan gaya ng Ibuprofen na karaniwang panggamot sa lagnat, at mga pain reliever para sa migraine at dysmenorrhea.

Nagpapatrolya umano ang mga pulis sa Moriones corner Road 10 sa Tondo nang matiyempuhan ang 3 lalaking mainit na nagtatalo sa loob ng isang van.

Ang isa sa mga lalaki, wala pang suot na seatbelt.

Nang inspeksyunin ng mga pulis ang van, tumambad ang mga kahong naglalaman ng gamot. Walang naipakitang dokumento ang mga suspek kaugnay ng kargang gamot.

Mahaharap ang mga suspek sa mga kasong paglabag sa Republic Act No. 8203 o Special Law on Counterfeit Drugs, Breach of Peace at Seatbelt Law.

Kinumpiska naman ang mga gamot at ibinigay sa Food and Drug Administration para sa pagsusuri.

—Ulat ni Arra Perez, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.