‘Notorious’ na drug pusher, patay sa engkwentro sa Maynila

ABS-CBN News

Posted at Feb 07 2020 06:00 AM

Patay ang isa umanong notorious na tulak ng ilegal na droga sa engkwentro Biyernes ng madaling araw sa Malate, Maynila.

Ayon kay Police Lt. Col Samuel Pabonita ng Malate Police, target ng kanilang operasyon si alyas Nor.

Napagkasunduang makipagkita ng suspek at police poseur buyer sa Arellano cor. Don Pedro St. Barangay 762, Zone 82. 

Nakabili ng P500 halaga ng hinihinalang shabu ang operatiba pero nakatunog ang suspek na pulis ang katransaksyon kaya bumunot umano ito ng baril at pinaputukan ang operatiba. 

Dito na napilitang paputukan ng mga pulis ang suspek. Tinamaan sa dibdib si alyas Nor at dinala sa ospital ng Maynila subalit ‘di na umabot nang buhay. 

Dalawang sachet ng hinihinalang shabu ang nakuha mula sa suspek na may timbang na 6 gramo at street value na mahigit P40,000 at isang caliber 38 na baril.

Pabalik-balik na umano sa kulungan ang suspek dahil kilala rin itong holdaper sa lugar.-Ulat nina Fred Cipres at Lady Vicencio, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.