Modus ng ilang banyaga para lusutan ang China travel ban nabuking ng BI

ABS-CBN News

Posted at Feb 07 2020 06:26 PM | Updated as of Feb 07 2020 07:59 PM

Watch more in iWantTFC

MAYNILA — Mas pinahigpit pa ang seguridad sa pagpasok ng mga biyahero sa bansa, lalo't nabuking ng Bureau of Immigration (BI) ang ilang modus para malusutan ang travel ban na ipinatupad kontra novel coronavirus. 

Kasalukuyang umiiral ang ban sa pagpasok ng flights galing sa China upang hindi na kumalat pa ang 2019 Novel Coronavirus acute respiratory disease (2019-nCoV ARD).

Pero ang ilan umanong banyaga, dumadaan muna sa mga bansang hindi sakop ng ban para hindi mabistong galing sila ng China. 

"May bago silang modus, dumadaan muna sila sa Cambodia, Thailand. May nahuli kami kaninang umaga, salamat sa very alert na supervisors… Nalaman namin na galing pala ng China 'yung mga individual," ani BI ports operations bureau chief Grifton Medina.

Nabuking daw ang grupo matapos sumailalim sa interview. Pinabalik ang mga ito sa kanilang bansang pinanggalingan. 

Dahil sa mga paghihigpit, nagtatagal nang mahigit 1 oras ang pila sa Immigration. Pero ayon sa mga pasahero, mas mainam na ito para maiwasan ang pagkalat ng Wuhan virus. 

Payo naman ng Manila International Airport Authority (MIAA), iwasan na ang bultuhang pagsundo o paghatid sa mga kaanak o kaibigan. 

"It is not to alarm people. We are just trying to suggest if they can refrain from coming over dahil hindi natin alam kung sino-sino ang makakasalamuha nila. It is a point of caution," ani MIAA general manager Ed Monreal.

—Ulat ni Jacque Manabat, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.