Mga baboy sa Benguet, apektado na rin ng African swine fever

Micaella Ilao, ABS-CBN News

Posted at Feb 07 2020 02:54 PM | Updated as of Feb 07 2020 08:16 PM

Ipinagbabawal muna ang pag-angkat ng baboy sa ibang lalawigan matapos na magkaroon na ng kaso ng African Swine Fever sa Benguet. Micaella Ilao, ABS-CBN News

Apektado na rin ng African Swine Fever ang mga baboy sa lalawigan ng Benguet ito’y matapos magpositibo ang laboratory tests ng mga baboy mula sa mga bayan ng Tuba at La Trinidad.

Ayon kay Benguet Governor Melchor Diclas, may hog raiser na nagpuslit ng mga baboy mula sa Pangasinan na apektado pala ng ASF.

Ang baboy ay inorder umano online. Hindi dumaan sa checkpoint at ‘di rin kumpleto ang papeles nito.

Watch more in iWantTFC

“Sad to say na meron na tayong ASF sa Benguet. Yung isa galing ng online na kinuha nila from Pangasinan. Mga maliliit na papalakihin nila sana,” ayon kay Diclas.

Ang isang batch naman ng mga baboy sa Tuba, pinakain ng swill feeds o kaning baboy na galing sa mga restaurant sa Baguio na dahilan ng pagkakaroon ng sakit ng mga ito.

Higit 100 baboy ang pinatay para maiwasan ang pagkalat ng virus.

Naglabas na ng kautusan ang pamahalaang panlalawigan ng Benguet na bawal nang magpasok ng mga baboy sa probinsiya.

Nakiusap na sila sa mga nag-aangkat ng baboy mula sa Region 1 at 3 na sa Benguet na lang muna kumuha ng mga baboy.

“Ang ginawa na natin ngayon dyan nakipag-coordinate na kami sa City of Baguio na lockdown na lang. Wala tayong papapsukin na live pigs dito sa Benguet,” dagdag ni Diclas.

Aalamin pa nila kung dapat bang panagutin ang hog raiser na nagpuslit ng mga baboy na apektado ng ASF.

“We’ll check sa ordinance kung may penalty para doon,” sabi ng gobernador.

Bumuo na rin ng task force ang Department of Agriculture para maiwasan ang pagkalat ng ASF sa mga babuyan sa rehiyon.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.