Lalaking nahulihan ng droga at baril sa Makati, timbog

ABS-CBN News

Posted at Feb 07 2020 04:37 AM

Arestado ang isang 31 anyos na lalaki matapos itong makuhaan ng iba’t ibang ilegal na droga at baril sa Makati.

Ayon kay Police Col. Rogelio Simon, hepe ng Makati City Police, sa bisa ng search warrant, nilusob ng mga tauhan ng intelligence section ang bahay ng target na kinilalang si Earl Hubert Sering sa Puerto Rico St., Barangay Palanan. 

Sa paghahalughog ng mga pulis sa bahay ng suspek, nakita ang isang caliber 38 na baril na may mga bala. Mayroon ding natagpuang 2 nakapasong halaman ng hinihinalang marijuana. 

Kumpiskado rin ang 1 sachet ng hinihinalang shabu, 2 sachet ng marijuana, at mga kush o high grade marijuana na nakalagay sa container ng kendi. 

Bukod sa pagtutulak ng droga, hinihinalang sangkot din ang suspek sa gun running activities. 

Iniimbestigahan ng Makati Police ang pinagkukunan ng suspek ng baril.

Kakasuhan ang suspek ng paglabag sa Comprehensive Law on Firearms at Illegal Possession of Drugs.-Ulat ni Fred Cipres at Kevin Manalo, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.