Lalaki, sugatan sa karambola ng mga sasakyan sa QC

ABS-CBN News

Posted at Feb 07 2020 06:17 AM | Updated as of Feb 07 2020 09:37 AM

Naipit sa nayuping truck ang isang lalaki matapos magbanggaan ang kotse, bus, at truck sa Commonwealth Avenue corner Regalado sa Quezon City.

Gamit ang isang hydraulics equipment ay mano-manong dine-compress ng mga awtoridad ang nayuping truck para mai-rescue ang naipit na pahinante na si MJ Gomez.

Ayon sa driver ng truck na si Dominic Millares, galing sila ng Sta. Maria, Bulacan at papunta sa isang fastfood chain sa Commonwealth para sana maghatid ng manok.

Biglang nagpreno at nagsakay ng pasahero ang katapat na pampasaherong bus kaya nabangga nila ito.

Kasunod niyan ay nabangga rin ang kotse na nasa likuran ng truck.

Sa lakas ng pagkakabangga ng truck ay nayupi ang harapan bahagi nito at nagkalat ang basag na windshield sa kalsada.

Walang sugatan sa mga sakay ng bus at kotse.

Naalis na sa kalsada ang mga sasakyan pasado alas-5 ng madaling araw at passable na muli sa mga motorista ang lahat ng lane sa Commonwealth-Regalado Avenue.-Ulat ni Lyza Aquino, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.