Kritiko ng divorce nabulaga sa 'mabilis' na pag-usad ng panukala sa Kamara

ABS-CBN News

Posted at Feb 07 2020 08:12 PM | Updated as of Mar 03 2020 12:28 PM


MAYNILA — Kunot-noong tinanggap ng Simbahang Katolika at ilang senador ang paglusot sa isang komite sa Kamara ng divorce bill.

Sa talakayan kasi umano, hindi daw napakinggan ang tinig ng mga kontra sa panukala.

"Nagulat din kami dahil isang hearing pa lang naipasa kaagad ito sa committee level... Bahagi din ng proseso na sana binibigyan ng pagkakataon na mapagdebatehan ang batas, mapag-usapan," ani Fr. Jerome Secillano, executive secretary ng Catholic Bishops' Conference of the Philippines (CBCP) permanent committee on public affairs. 

Sa programang "Failon Ngayon" sa DZMM, positibong tinanggap ni Sen. Risa Hontiveros ang pagpasa ng divorce bill sa komite ng Kamara.

Sa Senado aniya, pagdedebatehan na sa plenaryo ang dissolution of marriage bill.

"Dito po ngayon sa kasalukuyang dissolution of marriage bill maaring isa lang ang mag-file on one of the 11 grounds . And then dadaan siya or dadaan sila sa buong prosesong iyon," ani Hontiveros.

Si Sen. Migz Zubiri, nananatiling kontra sa panukala dahil sinisira aniya nito ang pamilyang Pilipino.

Kaya imbes na diborsiyo, isinusulong ng senador ang isang "church decreed annulment act."

Ibig sabihin, oras na ipawalang bisa ng simbahan o anumang relihiyon ang kasal, awtomatiko itong kikilalanin ng estado. 

"Bibigyan na lang po sila ng certification from the church to the civil courts para sa ganun ay mapabilis ang proseso at hindi na po dadaan uli sa napakahabang process which I think would be destructive to the family," depensa ni Zubiri. 

Pabor ang CPBCP sa panukala ni Zubiri. 

"Iyan ang nakikita namin na mas mainam na batas. Kasi hindi ito kumbaga ay sumusuway doon sa sinasabi ng Konstitusyon, sa sinasabi ng family code," ani Secillano.


—Ulat ni Sherrrie Ann Torres, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.