KILALANIN: Medical team na tutulong sa paglikas ng mga Pinoy galing Hubei

ABS-CBN News

Posted at Feb 07 2020 08:24 PM

Watch more in iWantTFC

MAYNILA - "The Brave 5" kung ituring ni Health Undersecretary Gerardo Bayugo ang medical team na pinalilipad papuntang Hubei - na episentro ng 2019 Novel Coronavirus.

Ang grupo, na kinabibilangan ng dalawang nurse na sina Rowell Divinagracia at Jay Juan; medical technician na si Elmer Collong; doktor na si Oliver Macalinao at isa pang doktor mula sa Bureau of Quarantine ang inatasang bantayan ang kalagayan ng mga Pinoy na ire-repatriate o ililikas mula sa Hubei.

May halo mang kaba, mas nanaig sa kanila ang matulungan ang mga kababayang makauwi.

"Mas nananalaytay yung pagiging Filipino ko, that I have to help. Kaya ba nating iwanan 'yong mga kababayan natin gustong umuwi. Papabayaan ba natin sila? For me hindi ko kaya 'yon," ani Divinagracia.

"The fact that these people want to go home and they’re our countrymen, talagang hindi puwedeng iwanan 'yon," ani Collong.

Matagal nang nurse sa DOH si Juan at karangalan para sa kaniya na makapaglingkod sa isa sa pinakamalaking health emergency na tumama sa mundo nitong nakalipas na linggo.

"'Pag meron ka nang passion to serve, yun na yun eh. susunod na yung pagiging prepared mo," ani Juan.

Pag-uwi,sa harap uupo ang mga medical personnel at sa gitnang bahagi ng eroplano pauupuin ang 45 Pinoy na pauuwiin.

Mananatili namang bakante ang huling limang hilera ng eroplano sakaling makaramdam ng sintomas ang mga pasahero, ayon kay Macalinao.

Pagdating sa paliparan, isasailalim sa screening ng Bureau of Quarantine ang mga Pinoy.

Pagkatapos, isasailalim sila sa mga protocol at quarantine, na itinayo ngayon sa New Clark City at ituturing na pasyente.

Watch more in iWantTFC

Samantala, umalma naman ang lokal na pamahalaan ng Capas sa planong gawing quarantine area ang New Clark City, batay sa resolusyong inilabas nila ngayong Biyernes.

Ayon kay Capas acting mayor Roseller Rodriguez, hindi sila naabisuhan tungkol dito.

"There was no coordination we were not informed by the DOH the BCDA that they will use the athletes village as quarantine station," aniya.

Pero paliwanag ng kinatawan ng Health regional office na hindi naman daw basta-bastang mahahawa sa bagong coronavirus maliban na lang kung magkakaroon ng interaksyon sa isang nahawa rito.

Giit pa nila, pinili ang New Clark City dahil mas kumpleto ito sa gamit at magiging mas komportable umano ang mga titira rito.

Ayon sa Bases Conversion and Development Authority, sisiguruhin nilang ligtas ang mga residente at poproteksyunan nila ang mga ika-quarantine sa NCC.

Plano namang makipag-ugnayan ng DOH sa alkalde ng Capas para masigurong hindi mahawa ang mga residente.

Sa ngayon, naka-lockdown na ang New Clark City.

-- Ulat nina Raphael Bosano at Jeck Batallones, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.