Datos ng mga pinaghihinalaang may nCov, maaari bang hingin ng gobyerno?

ABS-CBN News

Posted at Feb 07 2020 04:17 PM

Watch more in iWantTFC

MAYNILA - Iginiit ng isang abogado na may karapatan ang gobyerno na hingin ang impormasyon ng mga pasyenteng hinihinalang dinapuan na ng bagong coronavirus sa bansa. 

"Kailangan [ibigay] kasi national interest iyon," anang abogadong si Claire Castro sa programang "Usapang de Campanilla." 

"Kapag ahensiya na ang nanghingi ng impormasyon talagang ibibigay mo iyan," dagdag pa ng abogado.

Alinsunod ito sa Data Privacy Act kung saan sinasabing maaaring itago ng pasyente ang kaniyang impormasyon, maliban na lang kung nakasalalay ang kapakanan ng ibang tao sa pamamahagi nito ng kaniyang impormasyon. 

"The processing of sensitive personal information and privileged information shall be prohibited, except [when] the processing is necessary to protect the life and health of the data subject or another person," ayon sa Sec. 13 ng batas. 

Pero limitado lang dapat ang pagsasapubliko sa impormasyon na ito. Hindi dapat pinapangalanan sa mga pahayagan ang mga pasyente, ayon kay Castro. 

"Hindi mo yun pwedeng i-divulge iyon in public. Madi-discriminate kasi sila. So with more reason kung pinarticularize mo yun sa isang tao all the more na ma-degrade sila," ani Castro. 

Maaalalang pinuna ng Senado ang Department of Health sa mabagal umano'y pagsasagawa sa "contact tracing" o pagtunton ng mga taong nakasalamuha o nakasabay ng mga pasyenteng nagpositibo sa virus. 

Bagay ito na sinisi ni Health Secretary Francisco Duque sa pagtago ng airlines sa impormasyon ng kanilang pasahero dahil "confidential" umano ito. 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.