Bangkay ng babae, natagpuan sa irrigation canal sa Negros Occidental

ABS-CBN News

Posted at Feb 07 2020 01:10 AM

Natagpuan ng Bago City Police ang bangkay ng isang babaeng nakalutang sa irrigation canal Miyerkoles ng hapon sa Barangay Atipulan, Bago City, Negros Occidental.

Hirap pa ang mga awtoridad na tukuyin ang pagkakakilanlan ng biktima ngunit lumabas naman sa resulta ng medico-legal examination na pagkalunod ang ikinamatay nito.

Naniniwala si Police Maj. John Joel Batusbatusan na ang biktima ay maaaring nalunod habang naliligo sa irrigation canal na sakop ng karatig barangay kaya napadpad sa lugar.

Wala rin nakikitang mga sugat sa katawan ang babae na nasa 30 hanggang 40 anyos dahilan para isinantabi muna ng pulisya ang anggulo ng foul play sa pagkamatay ng biktima.

May suot na pulang t-shirt at brown na pedal short ang babae na may suot din na relo at mga alahas.

Patuloy ang panawagan ng Bago City Police sa mga maaaring kakilala at kamag-anak ng biktima na maki-ugnayan sa kanilang himpilan.-Ulat ni Nico Delfin, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.