6 Pinay, 19 banyaga nasagip sa ‘prostitution den’ sa Makati

ABS-CBN News

Posted at Feb 07 2020 05:52 AM | Updated as of Feb 07 2020 06:58 PM

Watch more in iWantTFC

Nasagip ang 6 Pinay at 19 na banyagang babae sa raid ng mga pulis Huwebes ng gabi sa isang hinihinalang prostitution den sa Guerrero St., Barangay Poblacion, Makati.

Ayon kay Police Col. Samuel Mina ng Makati Police, 3 linggong binantayan ang hotel na nauna nang itinimbre ng mga kinauukulan na pinaghihinalaang may prostitution den. 

Nadiskubre ng pulis na ginawang eksklusibo sa pambubugaw ang buong hotel at doon na nakatira ang mga babae. 

Ayon kay Mina, mapapasok lang umano ang lugar sa pamamagitan ng WeChat na ang link ay nasa mga pinamimigay na lighter at business card. Dagdag pa niya, kailangan may sponsor na Chinese para makapasok sa lugar. 

Ilan pang nalamang detalye ng mga awtoridad ay pinagpipilian ang mga babae sa tinaguriang showroom sa penthouse ng hotel sa halagang P15,000 pataas ang transaksyon at may 100 minuto na oras. 

Nadiskubre sa mga kwarto roon ang mga condom at underwear.

Walong lalaking Chinese na tinuturong parokyano ang inimbitahan sa presinto. 

Nasa China ang itinuturong operator ng umano'y sex den. Hindi naman nakakaintindi ng Ingles ang babaeng caretaker. 

Ayon sa mga pulis, posibleng may tauhan o babaeng binubugaw sa hotel na nanggaling din sa ibang mga naunang ni-raid na lugar sa Makati. Ipapanukala rin nila ang permanent closure ng hotel.-Ulat ni Anjo Bagaoisan, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.