3 patay sa pamamaril sa QC

ABS-CBN News

Posted at Feb 07 2020 05:57 AM | Updated as of Feb 07 2020 08:01 PM

Watch more in iWantTFC

Tatlo ang patay sa magkakahiwalay na insidente ng pamamaril sa buong magdamag sa Quezon City. 

Nakuhanan sa CCTV, pasado alas-9 ng gabi, na nakatambay ang 37 anyos na lalaking si Efren Diestro Jr. sa tabing kalsada sa San Pedro St., Payatas.

Dumating maya-maya ang isang lalaking nakamotorsiklo at malapitang pinaputukan ang biktima. Pag-alis ng salarin, may dumating uli na riding in tandem at pinaputukan uli ang lalaki. 

Ayon sa kaanak ng biktima, bibili lang umano si Diestro ng kandila at gatas. Wala naman itong nasabing kaaway. 

Dati na umanong nakulong ang biktima matapos masangkot sa akyat bahay ngunit matagal na ring nakalaya.

Sa ngayon, inaalam pa kung bakit pinatay ang biktima.

Dead on the spot naman ang isang 40 anyos na lalaki matapos pagbabarilin sa loob mismo ng kanyang bahay sa Lupang Pangako, Payatas.

Ayon sa kaanak ng biktima, namamasukan bilang cellphone technician ang pinatay na biktima na si Eduardo Abuyen. Patulog na sila nang biglang pumasok sa kanilang bahay ang 10 lalaking lulan ng 5 motorsiklo. Naka-face mask ang mga salarin kaya hindi sila namukhaan ng kaanak.

Narinig pa ng kaanak na nagmamakaawa ang kanyang ama bago pukpukin ng baril ang biktima at kalaunan ay pinagbabaril sa katawan. 

Wala umanong kaaway ang tatay pero dati nang nakulong noong binata pa siya.

Dagdag pa ng kaanak, pamangkin ni Abuyan ang una nang pinagbabaril ng riding in tandem din sa parehong Barangay noong nakaraang linggo.

Sa Barangay Batasan Hill naman, patay din ang isang tricycle driver matapos pagbabarilin ng riding in tandem. 

May kinukumpuni umano ang biktima sa kanyang tricycle nang paputukan sa Kagawad St. 

Nakuhanan ng shabu ang bangkay ng biktima.-Ulat nina Jervis Manahan at Lyza Aquino, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.