SAPUL SA CCTV: Lalaki ginulpi, tinutukan ng baril dahil umano sa selos

ABS-CBN News

Posted at Feb 07 2019 12:44 PM

Ayon sa abogado ng ginulping biktima, posibleng selos ang dahilan ng pambubugbog. Larawan mula kay Atty. Raymond Palad

Napuruhan ang mukha ng lalaking ginulpi ng 2 suspek sa isang restoran sa Quezon City noong Linggo ng madaling araw. 

Apat na araw nasa ospital si Raymond Anthony Deniega at naoperahan ang ilong matapos mabugbog sa labas ng isang kainan sa West Avenue, Quezon City. 

Watch more in iWant or TFC.tv

Sa kuha ng CCTV sa parking lot ng kainan pasado alas-5 ng madaling araw, makikitang papunta sa kotse si Deniega nang sugurin ng isang lalaking tila may itinutok sa kaniya.

Tumakbo si Deniega para umiwas pero isa pang lalaki ang sumulpot at sinuntok siya.

Bumagsak sila at doon na ginulpi ng lalaki si Deniega habang bantay naman ang kasamahan nito. 

Sunod na pinagsisipa ng dalawa ang biktima saka binasag ang salamin ng kotse ni Deniega.

Nang makatayo si Deniega, hinablot siya ng isa sa mga suspek, tinutukan ng baril, at saka pinaputok ito sa ere nang pitong beses. 

Tatlong minuto tumagal ang insidente bago umalis ang 2 lalaki.

Ayon sa abogado ng ginulping si Deniega, posibleng selos ang dahilan ng pambubugbog.

"Iyung client ko kasi may kasama siyang isang babae na it so happened na ex pala ito ng suspek," ani Atty. Raymond Palad.
 
Natagpuan sa parking lot ang wallet ng isa sa mga suspek na kinilalang si Jose Raphael dela Rama. Siya ang umano'y dating kasintahan ng kasamang babae ni Deniega.

Isang Dennis Castro naman ang kasabwat sa pambubugbog at ang nagpaputok ng baril.

Nagsampa na ang kampo ni Deniega ng patong-patong na kasong attempted homicide, serious physical injuries, at grave threats laban sa dalawa.

Dinagdagan pa ito ng malicious mischief at damage to property dahil sa basag na kotse ng biktima.

May paglabag din ang mga suspek sa ipinatutupad na gun ban dahil sa papalapit na halalan.

Bukas naman ang ABS-CBN News para sa panig ng dalawang suspek sa insidente. —Ulat ni Lady Vicencio, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.