Sakop ng tigdas outbreak pinalawig sa ilang bahagi ng Luzon, Visayas

ABS-CBN News

Posted at Feb 07 2019 11:46 AM | Updated as of Feb 07 2019 09:37 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

(UPDATED) Kinumpirma ng mga opisyal ng Department of Health (DOH) ngayong Huwebes na may measles outbreak din o pagkalat ng sakit na tigdas sa iba pang bahagi ng Luzon at Visayas. 

Ito ay matapos ideklara ang naturang outbreak sa Metro Manila at Central Luzon noong nakaraang araw. 

Sa isang pahayag, sinabi ng DOH na idineklara na rin ang outbreak sa tigdas sa Calabarzon, Western Visayas, at Central Visayas. 

Naitala ang 575 kaso ng measles sa Calabarzon kung saan 9 dito ang namatay, ayon sa datos ng DOH magmula Enero 26. 

Samantala, 104 naman ang kaso ng tigdas sa Western Visayas kung saan 3 ang namatay, habang may 71 kaso naman at isang namatay dahil sa outbreak ng tigdas sa Central Visayas. 

Sa isang press conference, sinabi ni Health Secretary Francisco Duque III na nagkaroon din ng pagtaas ng kaso ng tigdas sa Ilocos Region, Cagayan Valley, Eastern Visayas, Mimaropa, Bicol Region, at Soccksargen – bagay ito na binabantayan umano nila ngayon.

Watch more in iWant or TFC.tv

Ayon sa datos ng DOH sa Bicol Region, 54 ang naitalang kaso ng tigdas. Sa Eastern Visayas naman, 170 kaso ng tigdas ang naitala kung saan 8 na ang namatay. 

Sa isang press conference, sinabi ni Health Secretary Francisco Duque III na masusi nilang binabantayan ang Mimaropa na may 70 kaso ng tigdas, Ilocos Region na may 64 kaso ng tigdas, Northern Mindanao na may 60 kaso ng tigdas, Eastern Visayas na may 54 kaso ng tigdas, at Soccsksargen na may 43 kaso ng tigdas. 

Sa hiwalay na panayam, sinabi ni Health Undersecretary Eric Domingo na 90 porsiyento ng mga nahawa sa naturang sakit ang hindi pa nababakunahan

Sa kanilang datos, nasa mahigit 1.8 milyong bata pa ang hindi nababakunahan mula 2017 hanggang 2018.

Muling nakiusap si Duque na pabakunahan ang mga anak laban sa sakit sapagkat naiiwasan ang karamdaman sa pamamagitan ng bakuna. 

"Huwag po nating ilito ang Dengvaxia sa ibang bakuna. The safest prevention is still through vaccines. Measles is a vaccine preventable disease," aniya. 

Maaaring mauwi ang tigdas sa mga komplikasyong gaya ng pagtatae, pulmonya, pagkabulag at pagkamatay.

Watch more in iWant or TFC.tv

MALACANANG IKINALUNGKOT ANG OUTBREAK

Samantala, ikinalungkot umano ni Pangulong Rodrigo Duterte ang pagdami ng kaso ng tigdas sa bansa, ayon kay Presidential Spokesperson Salvador Panelo.

Dagdag niya, iniutos na ni Duterte kay Duque sa kanilang Cabinet meeting na gawan ng paraan na damihan ang batang mababakunahan para mapigilan ang pagkalat ng sakit. 

Pinagtanggol din ng Malacañang si Public Attorney’s Office (PAO) chief Persida Acosta sa mga paratang na dahilan umano ito ng kawalan ng tiwala sa pagbabakuna. 

Magugunitang itinuro ni Acosta ang Dengvaxia bilang dahilan para sa pagkamatay ng ilang kabataang tinurukan nito, bagay na inuugnay ng ilan - maging ni Duque - sa pagkaroon umano ng takot sa pagbabakuna ng bata. 

Ayon kay Panelo, ginagawa lang ni Acosta ang kaniyang trabaho para matulungan ang kaniyang mga kliyenteng namatayan. 

“The PAO chief as a lawyer is defending or pursuing theories that favor the clients, in other words she is pursuing an advocacy, an impassioned one so I cannot blame her for that,” ani Panelo. 

“As far as she is concerned, she is doing her job of protecting the parents of [children who] she perceived to be dying by reason of Dengvaxia," dagdag niya. 

-- May ulat nina Raphael Bosano, Joyce Balancio, at Joanna Tacason, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.