Namatay sa banggaan ng 2 bus sa Compostela Valley, umakyat na sa 9

ABS-CBN News

Posted at Feb 07 2019 06:19 PM

NABUNTURAN, Compostela Valley - Umabot na sa siyam ang patay sa banggaan ng dalawang bus sa bayang ito noong Lunes.

Miyerkoles nang mamatay ang isang 8-taong gulang na batang lalaki na nagtamo ng sugat sa ulo.

Labis naman ang pasasalamat ng magkapatid na sina Johny Vicente at Jalieve Espulgar dahil nakaligtas sila sa malagim na aksidente.

Ikinalulungkot naman nila ang sinapit ng isa pa nilang kapatid na si Janet Vicente na 7 buwang buntis at namatay sa aksidente.

Ayon sa Nabunturan Police, nasa 22 pang mga sugatan ang kasalukuyang ginagamot sa mga ospital habang walo na ang nakalabas.

Wala pa namang pormal na reklamo na inihain laban sa Davao Metro Shuttle mula sa mga biktima.

Samantala, sinuspende ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board Region 1 ang tatlong unit ng Bachelor Bus matapos mapag-alamang bumabiyahe ang mga ito sa labas ng kanilang ruta.

Ayon kay Atty. Cattleya Acaylar, ang Officer-in-Charge ng LTFRB XI, base sa prangkisa ng tatlong unit ng Bachelor Bus, hindi ito dapat bumabiyahe sa terminal ng New Bataan sa ComVal dahil Davao City papuntang Maragusan, Comval lang dapat ang ruta nito.

Bukod sa isang buwang preventive suspension, isasailalim din sa road worthiness test ang mga bus para maiwasan ang aksidente.

Nauna nang pinatawan ng isang buwang preventive suspension ng LTFRB ang 34 na bus ng Davao Metro Shuttle.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.