Mga pasyenteng may tigdas dagsa sa San Lazaro Hospital

ABS-CBN News

Posted at Feb 07 2019 03:09 PM

Punuan na ang kapasidad ng San Lazaro Hospital sa Maynila dahil sa dami ng pasyente na may tigdas.

Sa tala ng ospital ngayong Huwebes, pumalo na sa 252 ang kasalukuyang kaso na ginagamot nila.

Nadagdagan din ang mga naitalang patay sa dahil sa tigdas, na anila'y umabot na sa 56 mula Enero hanggang Huwebes.

Kung susumahin ang mga pasyenteng isinugod sa San Lazaro Hospital mula noong Enero ay aabot na ito sa 1,550.

Ayon kay Dr. Edmundo Lopez, medical director ng San Lazaro Hospital, nasa 40 pasyente ng tidgas ang isinusugod sa kanila kada araw. 

Samantala, muling iginiit ng Department of Health (DOH) na walang dapat ipangamba ang publiko sa mga subok nang bakuna na wala namang kinalaman sa kontrobersiyal ng Dengvaxia.

Ang tigdas kasi ay isang sakit na maaaring maiwasan sa pamamagitan ng bakuna. 

Sa kasalukuyan, nagdeklara na ng outbreak ang DOH sa National Capital Region, Calabarzon, Central Luzon, Western Visayas, at Central Visayas.


—Ulat ni Johnson Manabat, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.