Botong 'no' sa BOL wagi sa Lanao Del Norte

ABS-CBN News

Posted at Feb 07 2019 05:26 PM | Updated as of Feb 07 2019 07:48 PM

Bumoboto noong Miyerkoles, Pebrero 6, ang ilang residente ng Kauswagan, Lanao Del Norte para sa plebisito ng Bangsamoro Organic Law. Ron Gagalac, ABS-CBN News

(UPDATED) Karamihan ng mga botante sa Lanao Del Norte ay tumutol na mapabilang ang anim na bayan sa kanilang lalawigan sa itatatag na Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM), base sa canvassing of votes na natapos nitong Huwebes.

Anim na bayan — kasama ang Baloi, Munai, Nunungan, Pantar, Tagoloan, at Tangcal — ang nagpetisyon na mapabilang sa BARMM pero kailangan muna nila ang pahintulot ng buong lalawigan.

Nanalo ang "yes" sa anim na bayan at sa tatlong iba pa. Pero 13 o mas maraming bayan sa lalawigan ang bumoto ng "no," ayon sa Commission on Elections (Comelec) Provincial Board of Canvassers.

"The BOL is still ratified, it's just that six municipalities for now are not included in the Bangsamoro autonomous region," sabi ni Joseph Cuevas, provincial election supervisor sa Lanao Del Norte.

Watch more in iWant or TFC.tv

Nasa 69 porsiyento ng mga rehistradong botante ang bumoto noong Miyerkoles.

Nakiusap naman si Lanao Del Norte Governor Imelda Dimaporo sa mga tagasuporta ng Bangsamoro Organic Law na maging mahinahon, at tanggapin at respetuhin ang resulta ng botohan.

"Sana huwag nilang takutin dahil hindi bumoto sa kanila," ani Dimaporo.

Dadalhin ang resulta sa Comelec National Board of Canvassers sa Intramuros, Maynila para maging opisyal ang resulta ng plebisito.

Nauna nang maratipika ang BOL na magtatag sa BARMM matapos ang unang plebisitong idinaos noong Enero 21. 

Maliban sa anim na bayan sa Lanao Del Norte, bumoto rin ang ilang bayan sa North Cotabato para pagpasyahan kung isasama sa BARMM ang 67 barangay na sakop ng mga ito.

Sa ngayon, mapapabilang sa BARMM ang Cotabato City, Basilan (maliban sa Isabela City), Lanao Del Sur, Maguindanao, Sulu at Tawi-Tawi.

--Ulat ni Ron Gagalac, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.