Kandidato lumikha umano ng gulo dahil sa paghahagis ng mga tikoy

ABS-CBN News

Posted at Feb 07 2019 06:00 PM

Binatikos ng ilang concerned citizen at mga residente ang isang tumatakbong vice mayor sa Maynila matapos umanong lumikha ng gulo nang mambato ito ng mga tikoy sa isang pagtitipon.

Sa kuhang cellphone video sa Binondo noong Chinese New Year, makikitang tila nagkagulo sa entablado sa Plaza Lorenzo Ruiz dahil sa mga hinahagis na tikoy.

Ayon sa mga saksi, pasimuno ng paghahagis ang retiradong pulis na si Elmer Jamias na tumatakbong vice mayor sa Maynila.

"Iyong tikoy binato, may natamaan nga. I was there... Mayroong mga naipit... Kung gusto mo manalo, gamitin mo ang puso, ang totoong puso mo sa pagsisilbi," hinaing ng witness na si alyas "Marietta."

Dumepensa naman si Jamias at sinabing wala sa intensiyon niya ang manggulo sa selebrasyon ng Chinese New Year.

"Hindi ko na kailangan mag-epal du'n sa area na 'yun dahil kilala ako du'n... Iyun ang inutos sa akin, na mamigay ako, kasi invited guest ako," giit niya.

Ayon sa isang feng shui expert, sagrado para sa ilan ang tikoy na pinaniniwalaang inaalay sa mga kitchen gods. 

"Usually ang pagbibigay ng tikoy is maganda na i-hand mo talaga nang maayos... Baka na-excite lang po siya, depende sa sitwasyon," ayon kay Master Hanz Cua. 

—Ulat ni Angel Movido, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.