PatrolPH

Italyano, kasabwat umano na Pinoy, tiklo sa buy-bust sa El Nido

Rex Ruta, ABS-CBN News

Posted at Feb 07 2019 01:52 PM | Updated as of Feb 07 2019 04:19 PM

Italyano, kasabwat umano na Pinoy, tiklo sa buy-bust sa El Nido 1
Timbog sa buy-bust operation ang Italyanong si Gianluca Rostoni at Pinoy tattoo artist na si Dennis Navales sa El Nido, Palawan.Larawan mula sa El NIdo Municipal Police Station

EL NIDO, Palawan – Arestado ang isang Italyano at Pilipino sa pagbebenta ng high-grade marijuana at party drugs dito sa bayan, isang tourist destination na tanyag sa mga dayuhan at lokal na turista. 

Tiklo sa buy-bust operation noong Pebrero 1 sina Gianluca Rostoni, 53, at tattoo artist na si Dennis Navales, 36.

Nakumpiska kay Rostoni ang isang sachet ng hinihinalang shabu, posporong may lamang marijuana, isang sachet ng high-grade marijuana na mula pa umano sa ibang bansa, grinder at 18 pirasong party drugs o ecstasy.

Nakuha naman kay Navales ang 12 sachet na pinaglagyan umano ng marijuana, 9 na sachet ng shabu, boodle money at iba pang kagamitang may kinalaman sa ilegal na droga. 

Ilang negosyanteng dayuhan at ilang personalidad ang iniimbestigahan na rin na posibleng sangkot sa bentahan ng droga sa bayan.

Nanawagan din ang lokal na pamahalaan sa mga public transport at courier na ginagamit rin umano sa pagpasok sa bayan ng droga na itigil na ito.

Ayon sa awtoridad, dapat masiguro na drug-free ang El Nido, na kilalang world-class destination dahil sa mga beach at lagoon na matatagpuan dito. 

Ipinadala na sa Palawan Crime Laboratory ang mga nakuhang droga sa mga suspek.

Kasalukuyang nasa kustodiya ng El Nido Police ang mga suspek na dumaan sa inquest proceedings ang mga kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.