PatrolPH

Cargo vessel, sumadsad sa Iloilo River

Nony Basco, ABS-CBN News

Posted at Feb 07 2019 10:58 AM

Cargo vessel, sumadsad sa Iloilo River 1
Papuntang Batangas City ang cargo vessel nang sumadsad ito sa Iloilo River. Nony Basco, ABS-CBN News

ILOILO CITY – Isang cargo vessel ang sumadsad habang palabas ng Iloilo River, Huwebes ng madaling araw.

Napansin ng ilang tripulante ng mga motorbanca ang biglaang pagtigil ng malaking barko malapit sa Parola Port sa bukana ng Iloilo River.

Kaagad na nag-deploy ng mga diver at Marine Environmental Protection Unit ang Coast Guard Iloilo Station upang siyasatin ang sumadsad na barko.

Sa inisyal na imbestigasyon, napag-alamang bandang alas-4 pa ng madaling araw nang sumadsad ang MV SF Unity. Papuntang Batangas Port ang barko matapos maghatid ng mga dalang kabilya sa Iloilo City.

Ayon kay Coast Guard Iloilo Station Commander Rodolfo de la Peña, sumadsad ang cargo vessel sa mababaw na bahagi ng Iloilo River. 

Sabi pa ng PCG na lumabas ang barko kahit na low tide kaya posibleng may pananagutan ang kapitan na si Perseverando Torregosa Jr. 

Pansamantalang nasa kustodiya ng Coast Guard ang kapitan ng barko.

Hinihintay ng coast guard na magtanghali para mahatak ng tug boat ang cargo vessel palabas sa ilog. 

Nagdulot naman ng abala sa biyahe ng mga passenger motorbanca at fast craft ang sumadsad na barko.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.