Binatilyong nabibisikleta, patay nang mabundol sa Isabela

Hariis Julio, ABS-CBN News

Posted at Feb 07 2019 09:00 AM

ECHAGUE, Isabela - Patay ang 15-anyos na binatilyo matapos mabundol ng pick-up, Miyerkoles ng hapon.

Sa imbestigasyon, nagbibisikleta ang biktimang si Art Cartajera sa kalsada ng Barangay Garit Norte kasama ang isang kaibigan.

Ayon pa sa pulisya, nasagi ng biktima ang likurang gulong ng bisikleta ng kaibigan kaya nawalan siya ng balanse at napunta sa kabilang linya ng kalsada kung saan naman paparating ang pick-up.

Naisugod sa ospital ang biktima pero idineklara na siyang dead-on-arrival dahil sa tinamong mga pinsala sa katawan.

Inaresto naman ang 64-anyos na driver ng pick-up na napag-alamang empleyado ng gobyerno.

Inihahanda na ang reklamong reckless imprudence resulting to homicide and damage to property laban sa driver.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.