ALAMIN: Ano ang 'yellow lane' policy ng MMDA?

ABS-CBN News

Posted at Feb 07 2019 04:31 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Kamakailan ay nagpatupad ng mas mahigpit na multa ang mga awtoridad para sa mga mahuhuling lumalagpas sa mga yellow lane na ipininta sa ilang pangunahing kalsada patungong EDSA. 

Paliwanag ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) sa "Usapang de Campanilla" nitong Miyerkoles, parte ang mga yellow lanes na ito ng kanilang "stay in your lane" policy. 

Sa kanilang polisiya sa mga yellow lane, maaari lamang pumasok sa EDSA ang mga sasakyan 100 metro bago lumabas at pumasok sa naturang kalsada. 

Ayon kay EDSA Special Traffic and Transport Zone Head Bong Nebrija, parte ito ng kanilang kampanya na ayusin ang trapiko sa naturang kalsada. 

"May mga lugar din talaga sa Pilipinas like Subic and Clark na 'yung mga kababayan natin 'pag pumasok ng Subic sumusunod, walang enforcer sumusunod sila. So that's what we want to do with EDSA," ani Nebrija. 

Bahagi raw ng pagpapatupad ng yellow lane policy ang pagtaas ng multa sa P1,000 mula P200 hanggang P500 para sa mga lalabag nito. 

Ayon kay Nebrija, may mga nakatokang enforcer sa kalsada at mga ikinabit na CCTV na gagawa ng "no contact apprehension" para humuli sa mga lalabag. 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.