8 arestado sa pagpapaputok ng baril sa Maynila

ABS-CBN News

Posted at Feb 07 2019 04:06 PM | Updated as of Feb 07 2019 08:57 PM

Walong tao ang inaresto ng Manila police matapos magpaputok ng baril ang isa sa kanila sa Malate district nitong umaga ng Huwebes.

Nasapul ng CCTV ng Barangay 701 ang isang lalaki sa may bahagi ng M.H. Del Pilar Street na nagpapaputok ng baril habang nakatutok ito pataas.

Lulan ang mga naaresto ng tatlong sasakyan na magkakasunod na tumigil sa M.H. Del Pilar Street, base sa kuha ng CCTV.

Watch more in iWant or TFC.tv

Bumaba mula sa dilaw na kotse ang lalaking namaril at lumapit sa pasahero ng itim na kotse bago sila sabay na lumapit sa kotseng puti, base sa kuha ng CCTV.

Nakainom umano ang lalaking namaril nang mangyari ang insidente, ayon kay Superintendent Bobby Ganipac, commander ng Manila Police District Station 9. 

Bagaman walang nasugatan, nagdulot naman ng takot ang pagpapaputok sa mga nakakita.

Pawang mga taga-Cavite ang mga naaresto pero itinanggi ng grupo na sila ay magkakakilala.

Mahaharap ang mga suspek sa kasong alarm and scandal at paglabag sa election gun ban.

Inaalam na rin ng mga awtoridad kung may kaukulang papeles ang nakuhang baril.--Ulat nina Jeck Batallones at Fred Cipres, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.