12,000 taxi di calibrated ang metro, di kasama sa dagdag-singil

ABS-CBN News

Posted at Feb 07 2019 08:51 PM

Watch more in iWantTFC

Nasa 12,000 taxi sa Metro Manila ang hindi pa nakakapag-calibrate ng metro, ayon sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB).

Ibig sabihin, hindi pa nila maaaring ipatupad ang dagdag-singil sa pasahe ng taxi na inaprubahan ng LTFRB noon pang Oktubre 2017.

Ayon kay LTFRB Chairman Martin Delgra, bago maipatupad ang dagdag-singil, kailangan app-based service na ang taxi o nagmamaneho para sa transportation network company (TNC), mas maayos ang sasakyan, at may Global Positioning System (GPS).

"When they would go to the recalibration area, they would be required to show accreditation with a TNC that caters to taxi service," ani Delgra.

Nasa 30,000 umano ang kabuuang bilang ng mga taxi sa Metro Manila.

Sa mga nakapagpa-calibrate na, Hype ang nangunang app-based service. Sumunod dito ang Grab at Micab.

Sa inaprubahang dagdag-singil noong 2017, nananatili sa P40 ang flagdown rate. Papatak naman ang metro ng P13.50 kada kilometro ng biyahe at P2 kada minuto ng biyahe simula sa pinanggalingan papunta sa destinasyon.

Layon ng LTFRB na mabigyan ng pagkakataon ang mga taxi na mapaganda ang serbisyo kaya inaprubahan ang dagdag-singil, at makasabay sa pag-usbong ng teknolohiya sa transportasyon.

--Ulat ni Jacque Manabat, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.