Sundalo, natagpuang patay sa loob ng himpilan sa Maguindanao

Jasper Acosta and Rodney Ontolan, ABS-CBN News

Posted at Feb 07 2018 02:27 PM

PAGALUNGAN, Maguindanao - Isang sundalo ang natagpuang patay ng kanyang mga kasamahan sa loob ng kanilang himpilan sa Barangay Layog, Miyerkoles ng umaga.

Ayon sa ibang miyembro ng 38th Infantry Battalion, nakarinig sila ng putok ng baril habang naglilinis nang himpilan. Nang pasukin ang kubong pinanggalingan ng putok ay natagpuang patay si Staff Sergeant Ruby Balberan.

"May tama siya sa leeg na tumagos sa ulo. Nagsasagawa na ngayon ng imbestigasyon ang Scene of the Crime Operatives," ani Senior Inspector Blayn Lumas-e, hepe ng pulis ng Pagalungan.

Natagpuan din sa loob ng kubo ni Balberan ang kanyang service firearm na M-16 rifle at isang basyo ng bala.

Si Balberan na ang ikalawang sundalo ng 6th Infantry Division na natagpuang patay sa loob ng kanilang army detachment.

Noong Enero, isang sundalo mula sa 37th Infantry Battalion ang natagpuan ding patay sa loob ng kanyang tulugan sa Barangay Langkong Matanog na mayroong tama ng bala sa ulo.

Patuloy pang iniimbestigahan ng mga awtoridad ang mga insidente.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.