Snatcher na nag-viral, timbog matapos muling mandukot sa Cubao

ABS-CBN News

Posted at Feb 07 2018 01:00 PM

Watch more in iWantv or TFC.tv

Nahuli na ng mga pulis ang isang lalaking nag-viral sa social media matapos aktong makuhanan ang kaniyang pandurukot sa isang babaeng pasahero na pasakay ng bus sa Cubao. 

Sa video, kitang nilapitan ng suspek ang babae, dinikitan, at nang paakyat na ng bus ay binuksan ang bag nito.

Pinostehan na ng mga pulis ng Quezon City Police District (QCPD) Station 7 ang lugar matapos makita ang video. 

Nitong Martes, hindi sila nabigo dahil nambiktima na naman ang suspek ngunit agad na itong nahuli at dinala sa presinto.

Kinilala ang suspek na si John Mark Amantillo, 31 taong gulang, na agad namang umamin sa kaniyang ginawa.
 
"Pag maluluwang lang po 'yung bag...susubukan ko pong kunin [ang gamit," ani Amantillo.

Ayon sa pulis, inamin rin ni Amantillo na nakita na niya ang nag-viral na video pero bumalik pa rin siya sa kaniyang gawain.

Mahaharap sa kasong theft ang suspek.

Paalala ng pulisya lalo na sa mga nag ko-commute, ang mga bag tulad ng backpack at hand bag na madaling buksan ang madalas target ng mga kawatan. 

--Ulat ni Isay Reyes, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.