SAPUL SA CCTV: Nagnakaw sa tindahan, 'pekeng baril' ang bitbit

ABS-CBN News

Posted at Feb 07 2018 09:48 PM | Updated as of Feb 07 2018 10:32 PM

Watch more in iWantv or TFC.tv

Pinasok ng isang lalaking may bitbit na baril ang isang tindahan sa San Lazaro, Maynila noong Enero 25 ng gabi.
    
Sa kuha ng CCTV, makikitang tinutukan ng salarin ang staff ng tindahan at agad na kinuha ang cellphone ng mga biktima.
    
Pinabuksan din sa mga biktima ang kaha habang dinig pa umano sa video ang pagbabanta ng salarin.

Sa takot ng isa sa mga biktima, binuksan niya ang drawer para hanapin ang susi ng kaha. 

Ngunit naghinala ang isa pang biktima na peke ang bitbit na baril ng salarin.

"Parang iba 'yung tunog, tunog plastic. N'ung pinatong na niya, parang magaan lang," ani Lovely Dulos, isa sa mga biktima.

Nang hindi talaga mabuksan ng salarin ang kaha, umalis na lang siya tangay ang cellphone ng mga biktima.

Sinubukan pa siyang habulin ni Dulos ngunit tuluyan ding nakatakas ang salarin.

Nagdagdag na ng security ang tindahan habang nagtutulungan ang barangay at Blumentritt police para matugis ang salarin.
    
--Ulat ni Zyann Ambrosio, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.