'Presyo ng bigas, mahihilang pataas ng kawalan ng NFA rice'

ABS-CBN News

Posted at Feb 07 2018 10:35 PM

Watch more in iWant or iWantTFC

Posibleng tumaas ng higit P3 ang presyo ng commercial rice sa pagkakataong maubos ang suplay ng bigas ng National Food Authority (NFA), ayon sa isang grupo ng rice retailers.

"It can go up even higher than P3," ani Maria Delicana mula sa isang grupo ng rice retailers. "Wala pa ring mapaparating na rice 'yong NFA kasi NFA will stabilize the price."

Sa ngayon, mayroon na lang 1.2 milyon bags na naka-stock ang NFA pero mauubos na ito sa loob ng 35 araw.

Nauubos ang bigas ng NFA dahil hindi pa umano sila pinahihintulutan na mag-angkat ng 250,000 metriko toneladang dapat kailangan ng ating bansa.

"Ang sabi nila (Food Council), there's no need for NFA to import kasi mataas pa naman 'yong inventory ng bigas sa commercial eh," ani NFA Administrator Jason Aquino. 

Halos wala nang laman ang isang bodega ng NFA rice sa Quezon City.

Kaya kung dati ay nakakapag-suplay pa ang bodega sa Quezon City ng 2,000 sako ng NFA rice sa mga palengke kada araw, ngayon ay hindi na ito magagawa.

Sumugod naman ang grupo ng mga konsumer, magsasaka, at kababaihan sa tanggapan ng NFA sa Quezon City.

Idinaing nila ang umano ay kapabayaan ng gobyerno na protektahan ang kapakanan ng mga mahihirap.

Nanawagan naman si Sen. Cynthia Villar, chairman ng Senate committee on agriculture and food, na magsagawa ng imbestigasyon sa umano ay kakulangan ng suplay ng NFA rice.

Sabi ni Villar, malinaw na kapalpakan ito ng ahensiya.

"That’s a failure sa kanilang trabaho. 'Yun ang mandate nila: that they should have 15 day supply of rice. Pag wala, kasalanan nila 'yun," ani Villar.

Ayon sa NFA, 10 porsiyento ng pang-araw-araw na kinakaing bigas ng mga Pilipino ay NFA rice.

-- Ulat ni Apples Jalandoni, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.