Pinay, iniulat na nawawala sa Taiwan matapos ang lindol

ABS-CBN News

Posted at Feb 07 2018 06:06 PM | Updated as of Aug 29 2018 02:58 AM

Watch more in iWantv or TFC.tv

Isang Pinay caretaker ang naiulat na nawawala matapos yanigin ng 6.4 magnitude na lindol ang lungsod ng Hualien sa Taiwan.

Sa panayam kay Lito Banayo, chairman ng Manila Economic and Cultural Office (MECO) sa Taiwan, kinumpirma nitong nawawala ang isang Pilipina base sa ulat ng mga tauhang pinadala nila sa lugar. 

"Initial on-site report is that there is a Filipina caretaker in one of the buildings, is still missing. So they're still searching in the area," ani Banayo. 

Bandang hatinggabi ng Martes nang lumindol sa Taiwan. Apat na ang naiulat na patay sa insidente. 

Sinusuyod na rin ng mga opisyal ng MECO ang ilang ospital sa paligid upang alamin kung may mga Pinoy na nasugatan sa lindol. 

Sa video na kuha ni Bayan Patroller Emz Gonzales Dineros, makikita ang pagguho ng gusali sa tanyag na lungsod ng Hualien. 

Sa ulat ng Reuters, nasa 145 pa rin ang nawawala at pinangangambahang naipit sa mga guho. 

Ipinasilip pa ni Dineros ang mga naglaglagan niyang kagamitan nang yanigin ang Taiwan ng lindol.

Mayroong 43,000 Pinoy sa Taiwan, ayon sa datos ng MECO.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.