Na-'hypnotize'? Suspek sa pagnanakaw ng cellphone, dumipensa sa krimen

ABS-CBN News

Posted at Feb 07 2018 03:50 PM

Isay Reyes, ABS-CBN News

Arestado ang 2 hinihinalang miyembro ng "Ipit Gang" matapos mambiktima ng babae sa Commonwealth, Martes ng gabi.

Galit na galit ang biktimang si Javanagee Arciaga habang ikinukuwento kung paano siya dinukutan ng 2 suspek habang pababa ng bus.

Kuwento nito, inipit siya ng isa sa mga suspek na si Jhon Rafael.

"Siya po ang nagharang sa pinto...Nakaganun lang siya sa hagdan. Ayaw niyang bumaba...Iyun pala dini-distract lang [ako]," ani Arciaga. 

Nang mapansin ng biktima na wala na ang kaniyang cellphone, agad siyang humingi ng tulong mula sa mga rider. 

Nahabol si Rafael pero wala sa kaniya ang cellphone. Sa halip, iba pang mga hinihinalang nakaw na cellphone ang nasa bulsa ng suspek kaya't diniretso siya sa barangay. 

Dito na biglang lumapit ang isang Aljun Maliis na nagpresintang tutulong sa paghahabol sa kumuha ng cellphone. 

Ang hindi alam ng biktima, kasabwat din pala ito. 

Kasama ni Arciaga na pumunta ng barangay si Maliis. 

Nagkabukuhan nang dalhin ng asawa ni Maliis ang nadukot na cellphone ni Arciaga kapalit naman ng paglaya ng suspek na si Rafael.

Pero hindi umamin si Maliis.

Depensa nito, "Kung talaga pong kasama ako at may ginawa akong kasalanan dapat iniwanan ko na 'yung babae [Arciaga]."

Samantala, depensa naman ni Rafael na na-"hypnotize" lang siya ng kaibigang si alyas "Boy" kaya n'ya nagawang pagnakawan ang biktima.

"Pagsakay namin sa bus sabi niya kapag babaan, humarang ka sa pintuan, kahit saglit lang, steady lang... Hindi ko po alam bakit napasunod ako eh. Parang na-hypnotize ako sa sinabi niya," ani Rafael. 

Miyembro umano ng "Ipit Gang" sina Rafael at Maliis, na nambibiktima sa mga bus. 

"'Pag nakakuha na sila ng mga cellphone, pagbaba nila magpapalit na sila ng damit niyan," ani Teresita Solano, desk officer ng Barangay Old Balara. 

Mahaharap sa kasong robbery ang dalawang suspek. 

--Ulat ni Isay Reyes, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.