Mga hepe, pulis ng 3 istasyon naaktuhang nag-iinuman, tulog habang naka-duty

Raffy Santos, ABS-CBN News

Posted at Feb 07 2018 08:03 AM | Updated as of Feb 07 2018 08:54 PM

MANILA- (UPDATE) Tinanggal sa puwesto ang hepe at mga tauhan ng 3 police station matapos maaktuhang nag-iinuman at natutulog habang naka-duty ngayong Miyerkoles ng madaling-araw.

Labing-walong pulis, kabilang na ang 2 opisyal sa buong Metro Manila ang tinanggal sa kanilang mga puwesto.

Watch more in iWantv or TFC.tv

Ito ay matapos magsagawa si Director Oscar Albayalde, hepe ng Metro Manila police, ng surprise inspection sa iba't ibang police station sa Pasay, Muntinlupa, at Makati.

Unang tinarget sa surprise inspection ni Albayalde ang police community precinct (PCP) 4 sa Muntinlupa City. 

Uminit ang ulo ni Albayalde nang maabutan doon na nag-iinuman ang kumander ng istasyon na si Senior Insp. Mark Oyad at kaniyang mga tauhan nang hindi nakauniporme. 

Depensa naman ni Oyad, may kaunting kasiyahan lang sa istasyon dahil birthday ng isang pulis -- paliwanag na hindi umubra kay Albayalde.

Sunod na nasampolan ni Albayalde ang PCP 8 sa Maricaban, Pasay kung saan niya nahuling natutulog ang mga naka-duty na pulis.

Pati ang commander na si Senior Insp. Ferdinand Duren ay hindi nagising agad nang isagawa ang inspeksyon.

Ayon kay Albayalde, ang PCP 8 ay ang pinaka-inirereklamong estasyon ng pulis sa Kamaynilaan.

"Alam mo ba na kayo ang pinakamaraming text complaint? Bakit kayo nagre-relax dito?" pahayag ni Albayalde.

Inabutan din niyang natutulog ang station commander ng Malibay na si Senior Insp. John Glenn Siguan.

Bukod sa mga presinto, inikutan din ng inspection team ang mga checkpoint at patrol operations ng iba't ibang police stations.

Paliwanag ni Albayalde, kailangang siguruhing alerto ang mga pulis lalo na sa gabi at madaling-araw kung kailan karaniwang nangyayari ang mga krimen. 

Labing-apat na pulis na ang nagtungo sa National Capital Region Police Office upang mag surrender ng kanilang mga baril at tsapa nitong Miyerkoles.

Dagdag pa ni Albayalde, mahaharap sa mga kasong administratibo ang mga nahuling pulis at pansamantalang ililipat sa Regional Police Holding and Accounting Unit.

-may ulat ni Bianca Dava, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.